BOAC, Marinduque -- Nasa 40 mga kabataan sa lalawigan ng Marinduque na kabilang sa Government Internship Program (GIP) ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang sumailalim sa oryentasyon, kamakailan.
Ayon kay Ken Aldrin Jalac, focal person for employment facilitation ng DOLE-Marinduque, layon ng gawain na maturuan ang mga government intern ng tamang 'work ethics' o wastong disiplina sa pook-gawaan lalo na sa mga tanggapan ng gobyerno kung saan sila ay nakatakdang magtrabaho.
Hangad din ng naturang oryentasyon na maihanda ang mga kabataan sa mga gampanin at responsibilidad ng isang kawani ng pamahalaan sakaling pasukin nila ang serbisyo publiko habang ipinabatid din sa kanila ang mga karapatan ng isang manggagawa alinsunod sa Labor Code of the Philippines.
Sinabi rin ni Jalac na bawat isang benepisyaryo ng GIP ay tatanggap ng stipend o sweldo na halagang P355 kada araw gayundin ng accident insurance na ipagkakaloob naman ng Government Service Insurance System o GSIS.
Base sa tala ng DOLE-Marinduque, umabot sa 300 indibidwal ang nag-apply sa kanilang isinagawang dalawang araw na GIP Hiring noong Setyembre 2023 kung saan ay 241 dito ang natanggap sa trababo.
Inaasahan namang isasagawa ngayong buwan ang GIP orientation para sa natitirang 201 government interns kasabay na rin ang paglagda sa kani-kanilang mga memorandum of agreement (MOA). (Ana Maria Korina D. Arcilla, MNN)