BOAC, Marinduque -- Ginawaran bilang 2nd Runner-Up sa Social Service Oriented Award Category ang Lokal na Pamahalaan ng Boac sa katatapos na lamang na Philippine Model Cities and Municipalities Awards 2025 na inorganisa ng The Manila Times.
Personal na tinanggap ni Mayor Armi DC. Carrion ang parangal, kasama si Councilor Francis Jacinto, nitong Biyernes, Nobyembre 14, sa The Manila Hotel.
Sa kaniyang mensahe, ibinahagi ni Carrion ang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mamamayan ng Boac na aniya’y tunay na dahilan ng naturang pagkilala.
"Hindi ko po maiwasang mapangiti at magpasalamat—dahil alam kong ang karangalang ito ay hindi para sa iisang tao. Ito ay para sa ating lahat: para sa mga pamilyang Boakenyo na araw-araw na nagsusumikap, para sa mga guro, magsasaka, mangingisda, kabataan, senior citizens, at sa lahat ng sektor na nagbibigay-buhay sa ating komunidad," wika ni Carrion.
"Ang parangal na ito ay hindi lamang simbolo ng ating tagumpay—ito ay paalala na kaya nating abutin ang mas mataas pa, basta’t sama-sama," dagdag pa ng alkalde.
May temang “Environmental Communities Cultivating First-World Economies,” layunin ng nasabing parangal at forum na kilalanin ang mga lokal na pamahalaang nangunguna sa sustainable urban planning, environmental stewardship, at economic growth, habang pinapanday ang mas resilient at livable na mga komunidad.
Tampok sa forum bilang keynote speakers sina Department of the Interior and Local Goverment Undersecretary for Local Government Marlo Iringan at Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na parehong kinikilala sa mahusay na pamamahala at pagpapatupad ng mga patakarang nakatuon sa sustainability.
Dumalo rin sa pagtitipon sina Mailene Sigue-Bisnar, partner at leader para sa Advisory Services at Business Development Groups ng P&A Grant Thornton; Felino Palafox Jr., kilalang architect at urban planner; at Georg Royeca, chief executive officer ng Angkas. -- Marinduquenews.com
