MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Thursday, September 25, 2025

Mangingisda, patay matapos malunod sa Boac


BOAC, Marinduque -- Isang 33-anyos na mangingisda ang natagpuang wala nang buhay matapos mawala habang nangingisda sa karagatang sakop ng Barangay Laylay, bayan ng Boac, Marinduque.

Kinilala ang biktima na si Anthony Matimtin Lubrin, may asawa at residente ng nasabing barangay.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, bandang 11:00 ng umaga nitong Miyerkules, Setyembre 24, umalis si Lubrin sa kanilang bahay upang mangisda subalit pagsapit ng 6:00 ng gabi, lumapit kay Lorimie Monreal Lubrin, asawa ng biktima, si Bernard Ashley Gundran, kapwa residente ng naturang lugar, at iniulat na nakita niya ang bangkang pag-aari ni Lubrin na palutang-lutang at walang sakay, humigit-kumulang 1.5 kilometro mula sa dalampasigan.

Agad na humingi ng tulong ang pamilya sa Philippine Coast Guard, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Boac, at Bureau of Fire Protection upang hanapin ang nawawalang mangingisda. Gayunman, dahil sa malakas na agos ng dagat dahil sa epekto ng habagat, pansamantalang itinigil ang operasyon at ipinagpatuloy bandang 4:30 ng madaling araw kinabukasan.

Dakong 5:57 ng umaga ng Setyembre 25, natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ni Lubrin sa ilalim ng dagat na nakatihaya, at may nakataling pabigat sa baywang na tinatayang aabot sa dalawang kilo ang timbang.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga kinauukulan ang pangyayari sa likod ng insidente. -- Marinduquenews.com