MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Tuesday, November 25, 2025

Marinduque Provincial Jail, kinilala sa Gawad Parangal 2025


MATI CITY, Davao Oriental — Nagningning ang Marinduque Provincial Jail (MPJ) matapos itong mag-uwi ng iba’t ibang prestihiyosong parangal sa Gawad Parangal 2025 ng Provincial Warden’s Association of the Philippines. Tampok sa nasabing pagtitipon ang pagkilala sa mga yunit at indibidwal na nangunguna sa maayos, makatao, at epektibong pamamahala sa mga persons deprived of liberty (PDLs).

Kabilang sa mga natanggap na parangal ng MPJ ang Outstanding Provincial Jail, Best Good Conduct Time Allowance (GCTA) Implementor, at Visitor-Friendly Awardee, patunay ng kanilang mataas na pamantayan sa serbisyo at patuloy na pagpapabuti ng mga programang nakatuon sa rehabilitasyon.

Hindi rin nagpahuli ang mga tauhan ng pasilidad. Pinarangalan si Provincial Warden Ronaldo L. Togonon bilang Outstanding Provincial Warden dahil sa kanyang mahusay na pamumuno. Kinilala rin si PGI Quezhore L. Largado bilang Outstanding Employee – Permanent, si Sherry Anne C. Semilla bilang *Outstanding Employee – Job Order, at si PGII Joselito R. Regencia, na tumanggap ng Loyalty Award para sa 35 taon ng tapat na serbisyo.

Ayon sa pamunuan ng MPJ, ang mga natanggap na parangal ay hindi lamang kanilang tagumpay kundi tagumpay ng buong lalawigan. Malaki ang naitulong ng tuloy-tuloy na suporta ni Governor Melecio J. Go at ng Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ni Vice Governor Romulo A. Bacorro Jr., na patuloy na tumatayong katuwang sa pagsasaayos at pagpapatibay ng operasyon ng provincial jail.

Ipinapakita ng mga pagkilalang ito na kapag nagkakaisa ang pamunuan, kawani, at komunidad, nagbubunga ito ng mas ligtas, maayos, at makataong sistema ng pagpapatupad ng hustisya. Para sa MPJ, ang mga karangalang ito ay magsisilbing inspirasyon upang lalo pang maglingkod nang may puso, integridad, at dedikasyon para sa mas maliwanag na kinabukasan ng Marinduque. -- Marinduquenews.com