MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Tuesday, February 7, 2023

2 livelihood-assisted projects ng DOLE sa Marinduque, kinilala


TORRIJOS, Marinduque -- Kasabay nang paghahanda ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Marinduque sa paparating na Mimaropa Kabuhayan Awards 2023 ay binigyan ng ahensya ng pagkilala ang dalawang natatanging livelihood-assisted project sa lalawigan katuwang ang Livelihood and Manpower Development-Public Employment Service Office (LMD-PESO).

Sa mga entry mula sa anim na munisipalidad, ang mga kalahok na nanggaling sa Bayan ng Santa Cruz at Torrijos ang namukod-tangi.

Ang BJ’s Rolling Store: Dokumentaryo ni Dennis 'BJ' Ganon ng PESO Torrijos ang itinanghal na Best DOLE-Assisted Livelihood Project para sa individual category habang nasungkit ng PESO Santa Cruz Baliis Farmers Community Association (BFCA) ang pinakamahusay na parangal para sa group category.

Ayon kay Philip Alano, Provincial Director ng DOLE-Marinduque, umaasa na siya na sa pamamagitan ng ganitong mga gawain ay mahihikayat ang mga benepisyaryo na lalo pang paunlarin ang mga maliliit na negosyo at asosasyong tinulungan ng kanilang ahensya. (RAMJR)

Dagdag pa ng panlalawigang direktor, pangunahing layunin ng kanilang tanggapan sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program o Kabuhayan Program na tulungan ang iba’t ibang grupo kabilang ang mga self-employed na manggagawa na walang sapat na kabuhayan, mga manggagawang nawalan ng tirahan o malapit nang lumikas, mga magsasaka na walang sariling lupa, mangingisda, mga kababaihan at kabataan, mga taong may kapansanan, senior citizens, katutubo, biktima ng giyera o sagupaan, rebel returnees, at mga magulang ng child laborer.

Samantala, nakatakdang ilaban ang BJ's Rolling Store at BFCA sa nalalapit na DOLE Mimaropa Kabuhayan Awards na gaganapin ngayong taon. (Ana Maria Korina D. Arcilla/MNN)