MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Wednesday, January 11, 2023

P5,000 ipinagkaloob ng DA sa mga magsasaka sa Boac at Mogpog


BOAC, Marinduque -- Tumanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Agriculture (DA) ang mahigit 1,700 na mga magsasakang naninirahan sa bayan ng Boac at Mogpog.

Sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ng Kagawaran ng Pagsasaka, napagkalooban ng P5,000 bawat isa ang naturang mga benepisyaryo.

Nilalayon ng RCEF na tulungang higit na maging competitive at produktibo ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapababa ng mga gastusin sa produksyon ng sa gayon ay  mapataas ang kanilang mga kita.

Inaasahan din ng ahensya na ang natanggap na tulong pinansyal ay gagamitin lamang sa pagbili ng mga makinarya at kagamitang pansaka na makatutulong para mas mapaunlad ang mga binhi ng gulay o palay na kanilang itatanim.

Ang pamamahagi ng financial assistance ay pinangunahan ni Gov. Presbitero Velasco Jr kasama sina Dr. Lucille Vasquez, Provincial Agriculture Program Coordinating Officer ng DA-Marinduque at Provincial Agriculturist Edilberto De Luna.

Tiniyak naman ni Velasco na tuluy-tuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan sa iba't ibang ahensya ng gobyerno para matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka sa buong probinsya.