BUENAVISTA, Marinduque -- Opisyal nang pinasinayaan ang bagong gawang multi-purpose building at basketbal court sa Barangay Bagtingon, Buenavista kamakailan.
Ang gawain ay dinaluhan nina Cong. Lord Allan Jay Velasco, Vice Governor Adeline Angeles at mga kinatawan mula sa nasabing barangay sa pangunguna ni Kapitan Mario Francisco II.
Ayon kay Francisco, lubos siyang nagpapasalamat sapagkat sa mahabang panahon ng paghihintay ay natupad na ang kanilang kahilingan na magkaroon ng maayos at konkretong covered covered sa kanilang barangay.
"Labis-labis po akong nagpapasalamat sa lahat ng tumulong upang maipatayo ang multi-purpose building na ito lalo't higit kay Cong. Lord Allan Jay Velasco at Gov. Presbitero Velasco, Jr.," pahayag ng kapitan ng barangay.
Dagdag pa ni Franciso, napakalaki ng benepisyo nito sa kanila sapagkat hindi na sila maglalagay ng tolda kapag may mga okasyon kagaya ng barangay assembly at graduation ng mga bata dahil may bubong na ang kanilang multi-purpose building.
Makikinabang aniya sa nasabing gusali ang humigit 400 households o nasa 2,000 na residente ng Barangay Bagtingon.
Umabot sa P8,729,832.87 ang halaga ng pondong inilaan dito ng gobyerno sa ilalim ng Regular Infrastrature General Appropriations Act of 2021.
Samantala, namahagi rin ang kongresista ng pamaskong handog sa mga mamamayan katuwang ang Pusong Pinoy Partylist.