BOAC, Marinduque -- Mas pinaigting ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa lalawigan ng Marinduque ang kanilang kampanya laban sa child labor o batang-manggagawa.
Sa pamamagitan ng Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP), sunud-sunod ang isinagawang Child Labor Awareness at Education Campaign (CLAEC) sa anim na bayan, kamakailan.
Base sa tala ng DOLE-Marinduque, tinatayang nasa 253 ang kabuuang bilang na mga dumalo sa naturang gawin.
Sa kampanyang ginanap sa Barangay Magapua, Mogpog umabot sa 22 ang mga child laborer at magulang na nakiisa sa CLAEC, 45 sa Barangay Punong, Santa Cruz habang 95 ang nagmula sa mga barangay ng Balagasan, Bamban, Catubugan, Daig, Malbog, Maybo, Poctoy at Tumapon sa bayan ng Boac.
Bukod dito, 91 na mga magulang na may mga anak na nagtatrabaho mula sa 11 barangay ang nakibahagi sa oryentasyon na ginanap sa Municipal Gymnasium ng Santa Cruz.
Ilan sa mga paksang tinalakay sa kampanya ay ang pagkakaiba ng child work at child labor, karapatan ng mga bata at ang ilang bahagi ng Republic Act No. 9231 o ang Prohibition on the Employment of Children in Certain Advertisements kabilang na ang mga programa ng ahensiya para sa mga magulang o tagapag-alaga ng mga natukoy na child laborer.
Sa mensahe ni Philip T. Alano, Provincial Director ng DOLE-Marinduque, tiniyak nito ang matinding pagsisikap ng kanilang kagawaran para makapagbigay ng sapat na interbensyon upang tuluyang maalis ang mga batang nagtatrabaho sa hindi maayos at ligtas na lugar habang tuluy-tuloy na nasusustentuhan ang mga pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.
Ang DOLE ang pangunahing ahensya ng gobyerno na nagsusulong ng Child Labor Prevention and Elimination Program na may mithiing sugpuin ang lahat at pinakamasang anyo ng child labor sa bansa para sa isang 'Child Labor Free Philippines'.