TORRIJOS, Marinduque (PIA) -- Kinilala ang ginger candy na gawa ng mga magsasaka sa Torrijos bilang 'best new product' sa isinagawang Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBO) Summit sa Mimaropa, kamakailan.
Ang Summit 2022 na may temang 'ARBOs: Breaking Barriers Towards Digital Marketing' na inorganisa ng Department of Agrarian Reform (DAR) ay naglalayong bigyan ng pagkilala ang nagawa ng mga benepisyaryo gayundin upang mabigyan ng oportunidad ang mga ito na ipakilala ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng digital na pagbebenta.
Sa panayam kay Emilio Quereza, chairman ng Maranlig CARP Beneficiaries Association, hindi nila inasahan na masusungkit ang Rising Star Award sapagkat nasa dalawang taon pa lamang nang maitatag ang kanilang organisasyon.
"Bago pa lamang po ang aming asosasyon pero nakagawa na ang aming mga miyembro ng product development at ito nga po iyong All Natural Ginger Candy kung saan ay nakakabenta na kami sa ngayon," payahag ni Quereza.
Nais aniya ng kanilang samahan na paramihin at palawigin pa ang produksyon ng ginger candy para maibenta ito sa mas maraming konsyumer.
Samantala, maliban sa suportang ibinigay ng DAR sa kanilang produkto, nagkaloob din ang ahensya ng puhunan para sa luyahan, tractor at abono na napakikinabangan na sa kanilang sakahan. (Ana Maria Korina D. Arcilla/MNN)