MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Tuesday, January 3, 2023

Benepisyaryo ng TUPAD program sa Marinduque umabot sa 22,976

BOAC, Marinduque (PIA) -- Nagsagawa ng oryentasyon at contract signing ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa 6,700 na benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers o TUPAD program sa probinsya ng Marinduque, kamakailan.

Ayon kay Philip T. Alano, Provincial Director ng DOLE-Marinduque, ito na ang pangatlong tranche mula ng maipatupad ang nasabing programa sa lalawigan.

"Lubos po akong natutuwa na masaksihan ang libu-libong mamamayan na nakinabang sa programa ng TUPAD. Tinitiyak ko po na patuloy na isusulong ng ahensya ang mga kapaki-pakinabang na trabaho para sa lahat," ani Alano.

Nakapaloob sa programa na ang mga benepisyaryo ay mapapabilang sa mga gawaing tulad ng social community projects kasama na ang paglilinis ng mga kanal, economic community projects kagaya ng pagkukumpuni sa mga farm-to-market road at agro-forestry community projects katulad ng pagtatanim ng mga puno at gulay.

Samantala, ibinahagi rin ng panlalawigang direktor na umabot sa 22,976 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na nabigyan ng trabaho sa ilalim ng TUPAD program kung saan ay pumalo naman sa P127,300,000 ang pondong inilaan ng kanilang ahensya katuwang ang Tanggapan ni Cong. Lord Allan Jay Velasco.

Ang TUPAD ay bahagi ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) na naglalayong makapagbigay ng trabaho sa mga displaced worker, underemployed at unemployed na mahihirap sa loob ng sampung araw ngunit hindi lalagpas sa 30 araw depende sa uri ng trabahong ibibigay.