BOAC, Marinduque -- Maswerteng nakapasa sa scholarship program ng Department of Science and Technology (DOST) ang 13 aplikante mula sa lalawigan ng Marinduque.
Ito ang masayang ibinahagi ni Provincial Director Bernardo Caringal ng Provincial Science and Technology-Marinduque sa isinagawang oryentasyon at paglagda sa Scholarship Agreement para sa 2022 Junior Level Science Scholarship (JLSS) Qualifiers, kamakailan.
Ayon kay Caringal, layunin ng programa na makapaghubog ng mga kabataan na may malaking potensyal para maging mananaliksik sa agham, inhinyero at siyentista.
Ang nabanggit na mga mag-aaral ay makatatanggap ng monthly stipend na nagkakahalaga ng P7,000 bawat isa, P10,000 per academic year para sa book and connectivity allowance, premium insurance, thesis allowance na may halagang P10,000, P1,000 graduation allowance at 1 round trip allowance.
“Ito po ay pondo mismo ng DOST-Science Education Institute (SEI) na may hangaring mapag-aral ng libre at may allowance pa ang ating mga mahihirap subalit karapat-dapat na mag-aaral na inaasahang maglilingkod sa ating bansa kapag natapos na ang mga kursong kinuha nila," payahag ng panlalawigang direktor.
Ang mga estudyanteng nakapasa sa naturang scholarship program ay maaari ng pumasok sa science and technology courses sa mga eskwelahan na konektado sa ahensya para sa academic year 2023-2024.
Hinihikayat naman ang mga nakapasang aplikante na bigyang halaga ang pag-aaral at huwag sayangin ang scholarship program na inilaan ng pamahalaan.