TORRIJOS, Marinduque -- Kung noong nakaraang taon ay zero casualty o walang naitalang biktima ng paputok sa lalawigan ng Marinduque, sa pagsalubong ngayong bagong taon, pito katao na fireworks-related injury (FWRI) ang iniulat ng Department of Health Center for Health Development (DOH-CHD-Mimaropa).
Base sa pinakahuling FWRI Surveillance ng DOH, apat ang naging biktima ng paputok na naitala sa Marinduque Provincial Hospital habang tig-isa sa Torrijos Municipal Hospital, Santa Cruz at Buenavista Rural Health Units.
Nabatid na karamihan sa pinsala na tinamo ng mga biktima ay sugat sa kamay at braso kung saan ay dulot ng boga at piccolo.
Samantala, nananatiling pito ang kabuuang bilang ng firecracker-related injuries sa buong Rehiyon ng Mimaropa.