MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Friday, January 6, 2023

DOLE, nagkaloob ng tulong pangkabuhayan sa 100 benepisyaryo sa Gasan

 

GASAN, Marinduque (PIA) -- Isandaang benepisyaryo sa bayan ng Gasan ang napagkalooban ng rice retailing at food vending machine ng Department of Labor and Employment sa ilalim ng Integrated Livelihood Program o DOLE-ILP, kamakailan.

Ang DILP ay isang programa na naglalayong mabigyan ng mapaghahanap-buhayan ang marginalized workers lalo na ang mga mahihirap na mamamayan sa paraan ng pagnenegosyo at entrepreneurship.

Ayon kay Philip T. Alano, Provincial Director ng DOLE-Marinduque, nasa P1,200,000 ang pondong inilaan ng kanilang ahensya para sa naturang programa.

Kabilang sa mga tumanggap ng negosyo package ay ang 15 magulang ng mga batang manggagawa o child laborer kung saan sila ay nabigyan ng 10 sako ng bigas na naglalaman ng 20 kilo bawat isa.

"Kami po ay tuwang-tuwa at lubos na nagpapasalamat sa DOLE, kay Ma'am Jomarah ang CL Community Facilitator, sa PESO at sa Pamahalaang Bayan ng Gasan sa ibinigay na tulong sa amin. Paiikutin po namin ito para tuluy-tuloy ang mapagkukunan namin ng kita," pahayag ni LA Saguid, isa sa mga benepisyaryo.

Sa pamamagitan ng tulong pangkabuhayan na ibinigay ng ahensya, inaasahang kikita ng higit pa ang mga benepisyaryo upang masuportahan ang pangangailangan ng kani-kanilang pamilya lalo't higit para may maipantustos sa mga kakailanganin ng mga bata ng sa gayon ay hindi na humantong sa child labor. (RAMJR/PIA-MIMAROPA)