MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Thursday, January 19, 2023

3 bagong ambulansya, ipinagkaloob ng DOH sa Marinduque Provl Govt


BOAC, Marinduque -- Pormal nang ipinagkaloob ng Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD)-Mimaropa ang karagdagang tatlong bagong ambulansya sa Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque.

Ayon kay Provincial DOH Officer Rachel Rowena Garcia, mapupunta ang dalawang sasakyan sa Marinduque Provincial Hospital (MPH) habang ang isa ay nakalaan para sa Torrijos Rural Health Unit (RHU).

Bawat ambulansya ay mayroong kasamang mga equipment kagaya ng 2 cellular phones, ambulance stretcher, automatic external defibrillators (AED), nebulizers, mounted examining light, aneroid sphygmomanometer, folding and scoop stretcher, non-contact thermometer and blood glucometer, oxygen cylinder with oxygen therapy set, laryngoscope set, immobilization devices at iba pang pangunahing kagamitan na kailangan sa isang patient transportation vehicle.

Lubos naman ang pasasalamat ni Gov. Presbitero Velasco Jr sa Kagawaran ng Kalusugan sa paglalaan ng pondo para sa nasabing mga sasakyan sa ilalim ng Health Facility Enhancement Program ng ahensya.

Aniya, malaki ang maitutulong ng mga bagong ambulansya sa paghahatid ng maayos at mabilis na serbisyong medikal sa mga residente ng probinsya.

Ang turnover ceremony na isinagawa sa harap ng Capitol Compound ay dinaluhan nina Provincial Administrator Vincent Michael Velasco, Vice Governor Adeline Angeles, mga opisyales mula sa DOH-CHD Mimaropa sa pangunguna ni Engr. Ian Louise Carlota kasama si Dr. Gerry Caballes at mga kinatawan mula PDOHO, MPH at Torrijos RHU. (Romeo A. Mataac Jr/PIA)