BOAC, Marinduque -- Sinimulan na ang oryentasyon at paglagda sa kasunduan para sa 288 benepisyaryo ng DOLE-TUPAD Program, kamakailan.
Ayon kay Philip T. Alano, Provincial Director ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Marinduque, ang mga benepisyaryo ay magsasagawa ng community service sa loob ng sampung araw at tututukan ang paglilinis sa pampublikong lugar kabilang ang pagpuksa ng mga pinamamahayan ng lamok at paggawa ng community garden.
Maliban sa kanilang matatanggap ng personal protective equipment (PPE) tulad ng cap, long sleeve na kasuotan, face mask at gloves ay naka-enroll ang bawat indibidwal sa ilalim ng Group Personal Accident Insurance ng GSIS na tatagal nang isang taon.
Pagkalipas ng 10 araw ay makatatanggap ang mga benepisyaryo ng kabuuang halaga na P 3,550.00 o P 355.00 base sa panibagong minimum wage ng rehiyon. (Ana Maria Korina D. Arcilla/MNN)