MOGPOG, Marinduque -- Umabot sa 32 magulang ng mga child laborer o batang-manggagawa sa bayan ng Mogpog ang nakiisa sa libreng pagsasanay hinggil sa wastong pagpoproseso ng karne ng baboy, kamakailan.
Ang gawain na pinangasiwaan ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Marinduque sa pakikipagtulungan sa Department of Trade and Industry (DTI) ay dinaluhan ng 19 na mga magulang mula sa Barangay Guisian habang ang 13 kalahok ay nagmula sa Barangay Argao.
Ayon kay Philip T. Alano, Provincial Director ng DOLE-Marinduque, hangad ng kanilang tanggapan na palakasin ang kolaborasyon ng bawat ahensya ng pamahalaan ng sa gayon ay mapaigting ang mga programa at proyekto na makatutulong sa pamilya ng mga batang-manggagawa sa lalawigan.
Aniya, nananatiling pangunahing prayoridad ng DOLE ang pagsugpo sa lahat ng anyo ng child labor sa bansa.
Samantala, ibinahagi ni Darwin Mabuti, isa sa mga magulang na dumalo sa pagsasanay, na napilitan lamang ang kanyang anak na sumama sa pangingisda para makatulong sa mga gastusin sa bahay kaya laking pasasalamat n'ya sa ahensya sa pag-organisa ng meat processing training.
"Lubos po akong nagpapasalamat sa DOLE at sa DTI sa pa-training na ito dahil may iba na po kaming maaaring magpagkuhaan ng dagdag na kita. Hindi na po sasama ang aking anak sa laot, gayundin makapagpapatuloy na siya sa kanyang pag-aaral," pahayag ni Mabuti.
Sa pagtatapos, umaasa ang panlalawigang direktor ng DOLE sa Marinduque na sa pamamagitan ng nasabing pagsasanay ay mahihikayat ang mga magulang na pahalagahan ang kanilang sarili at paunlarin ang mga natutunan sa meat processing training upang tuluyang mawakasan ang child labor sa buong probinsya.