MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Saturday, January 16, 2016

Sino Ngani Baga Si Juan: Isang Sanaysay


Lola ni Dora's advise para sa Halalan 2016
Ito si Juan.

Kilala bilang isang masugid na tagasubaybay ng mga isyung pulitikal sa kaniyang Inang lalawigan ng Marinduque, hindi niya pinalalampas ang anumang bagay na patungkol sa mga naglalakihang angkan ng dugong buwaya este maharlika sa kaniyang bayan; ang mga Yeser, Zoracel, Marsiento at marami pang iba.

Sa kaniyang murang edad, namulat siya sa mapang-aliping angkan na nakaluklok sa pedestal ng kapitolyo at ilang dekada nang nanunungkulan - ang mga lahing Yeser. Ayon sa kasaysayan, bago pa man marating ng mga Yeser ang tugatog ng tagumpay, mahigpit nilang kinalaban ang angkan ng mga Zoracel na kilalang matalik na katunggali ng nauna. Kilala din ang mga Zoracel bilang lipi ng mga mandirigma, armado at mahusay sa ‘pangangayaw’ (pangangayaw ng mga balota tuwing eleksyon).

Samantalang ang ikatlong angkan sa pamumuno ni Don Marsiento ay ilang henerasyon nang nanunungkulan sa isa sa anim na bayan na nasasakupan ng mga Yeser. Bagama’t walang intensyon ang mga Marciento na maupo sa trono ng kapitolyo, sila ay kilala naman sa pagkakaroon ng “mahabang buhay” kung kaya’t ang isang bayan ay sapat na para sa kanila upang maghari sa loob ng isang siglo.

Hindi na bago sa pandinig ni Juan ang maruming sistema ng pulitika sa kaniyang lalawigan, ang harap-harapang pamimili ng boto na ipinagbibili naman ng mga mamamayan kasukdula’y inilalako pa sa mga buwayang sugapa sa kaban ng bayan.

Si Juan, biktima ng masalimuot, magulo at maruming sistema ng pamamahala sa kaniyang lalawigan ay patuloy na sumusubaybay sa kanila. Hindi niya kinakaligtaan ang mga proyektong ipinatutupad at ginagawa ng bawat administrasyong dumadaan. Sa kasamaang palad, nasa kamay at kapangyarihan pa rin ng mga Yeser ang kaniyang bayan. Sa loob ng ilang dekada tila hindi sila napapagod sa pamumuno, hawak nila sa leeg ang bawat sangay ng pamahalaang panlalawigan mula sa pinakamataas na posisyon hanggang sa pinakamababa, ni ayaw padapuan ng lamok, ni ayaw man lamang salingin ng iba. Pumuti na ang buhok ng pinakamatanda sa kanilang angkan, nanghihina at uugod-ugod na ngunit kapit-tuko pa rin sa trono. Sila ang mga Yeser, saan ka man mapadpad na sulok ng Pilipinas, maikakabit sa katagang Marinduque ang kanilang pangalan.

Alam ni Juan na marami nang nagawa ang mga Yeser para sa ikauunlad ng kaniyang lalawigan magmula ng manungkulan sila. Nariyan ang mga proyektong pangkalusugan (pagpapatayo ng ospital), mga pampublikong gusali, imprastraktura at kaliwa’t kanang mga iskolar para sa mga naghihikahos upang makapagtapos ng pag-aaral; maging ang tulong na ginawa ng pamahalaan noong nakaranas ang lalawigan ng malawakang krisis sa kuryente at malawakang pinsala sa agrikultura nang padapain ni Reming ang Bikol at Katimugang Luzon. Ngunit ang mga ito ay pangkaraniwan at laos na upang matawag na “ginawa mo para sa bayan”. Kung kaya’t para sa marami, tama na ang ilang taong pang-aalipin ng mga Yeser, itigil na ang kahibangan ng pami-pamilyang pangungurakot!

Malawak ang pang-unawa ni Juan. Batid niyang may punto ang sinasabi ng kapwa niya mamamayan na nagmamalasakit para sa bayan. Bukod dito, ang mga nagawa ng angkang Yeser ay maliit na bagay kung ikukumpara sa nakukuha at ninanakaw nila sa kaban ng bayan. Gayundin ang naging kapabayaan at kanilang mabagal na aksyon noong mga panahon na dumanas ang lalawigan ng napakalaking trahedya dulot ng isang minahan. Ang ipinagtataka lang niya ay kung bakit patuloy na nananalo sa halalan ang mga Yeser sa kabila ng kagustuhan ng mga mamamayan na mapatalsik sila sa panunungkulan; sa kabila ng pamimili ng boto ng bawat mamamayan at sa kabila naman ng pagbebenta nila ng kanilang karapatan na pumili ng karapat-dapat na pinuno ng lalawigan. May ipagtataka pa ba rito?

Si Juan ay walang kinikilingan. Kung kaya’t laking tuwa at pasasalamat niya nang mayroong mangahas na lumaban sa mapang-aliping dinastiya ng mga Yeser. Siya si Bolasco, ang “Poging Ate este Attorney!” na nagwaging maagaw ang pinakamataas na posisyon sa lalawigan ng Marinduque. Nakilala si Bolasco ng mga taga-lalawigan dahilan sa kaniyang mga proyekto tulad ng pagsasaayos ng mga kalsada noong panahon pa man ng dinastiya at hindi pa siya sumasabak sa pulitika. Noon lang lumitaw ang pangalang Bolasco, walang ideya ang mga mamamayan kung saan at sino ang kaniyang pinagmulan. Ang tanging sambit ng mga mamamayan, “Lalawigan Aasenso kay Bolasco!”

Hindi nga nagkamali si Juan sa kaniyang palagay na mananaig ang katarungan at laking pasasalamat niya na sa wakas ay magtatapos na ang ilang dekadang panunungkulan ng dinastiyang Yeser. Marami ang natuwa at ang ilan ay nagulumihanan. Sa kasamaang palad, kasabay ng unti-unting pagbagsak ng mga Yeser ay hindi nagwakas ang kapangyarihan ng mga Marsiento at patuloy na nananaig hanggang kasalukuyan.

Si Juan na nakasubaybay sa mga pangyayari mula pa sa simula ay lubos na natutuwa sa nakikita niyang transpormasyon. Kaliwa’t kanan ang pagsasaayos ng mga kalsada at mga pampublikong gusali, nabigyan ng milyon milyong pondo ang proyektong pinangunahan at pinasimulan ni Bolasco. Makikita sa mga ginagawang gusali ang kaniyang naglalakihang mga “tarpaulin” na may mga katagang “Ang Buwis na Mahalaga Dito po Napupunta” habang siya ay nakapamulsa.

Natapos ang termino ni Bolasco at namulat ang mga tao sa bayan ni Juan sa magandang hangarin at unti-unting pagbabago na kaniyang simulan. Kung kaya’t makatuwirang ipagpatuloy niya ang pagbabagong ito.

Matalino si Bolasco ngunit higit na matalino si Juan. Hindi niya maitatago kay Juan ang kaniyang mga kalokohan at misteryosong paglitaw.

Si Bolasco ay anak pala ng isa sa mga hukom sa pinakamataas na hukuman sa Pilipinas. Nalaman din ni Juan na ang kanyang ina ay pinuno at kinatawan ng isang partido sa kongreso. Sila ay nanunungkulan magpahanggang ngayon. Nagulantang si Juan sa kaniyang nalaman. Ang inaakala niyang pagtatapos ng dinastiya at pami-pamilyang pagpapayaman ay isa din lamang palang kahibangan.

Si Juan ay hindi nagpapaloko. Nabatid niya na ang mga proyektong isinagawa ni Bolasco bahagi at pagpapatuloy lang pala ng mga nasimulan na noong panahoon pa ng mga Yeser. Ang kaniyang mukha ang nakaharap sa madla dahilan sa siya ang naaatasan ng mga nagdaang administrasyon.

Wais si Juan. Nagsagawa siya ng sarbey at lumabas na bumaba ang bilang ng mga iskolar o mga mag-aaral na tinutulungan ng pamahalaan na makapag-aral magbuhat ng manungkulan si Bolasco. Sa pagbaba ng bilang na ito, napag-alaman ni Juan na nagpakataas-taas naman ang kayamanan ni Bolasco at nakabili pa ito ng mamahaling Jet ski. Pagsama-samahin man ang kinikita niya at ng kaniyang pamilya, hindi nito mapupunan ang milyon-milyong networth na lumabas sa account ni Bolasco.

Si Juan ay hindi maiisahan. Hinanap niya ang tala ng mga imprastraktura na ipinatayo ni Bolasco at ayon dito, ang mga tinutukoy na proyekto ay pinondohan ng milyon-milyong halaga ngunit sawing naipagawa. Nariyan ang mga patubig at baranggay hall na hindi natapos at ang kalahating-bubong na “covered court”. Kung titingnan at isasangguni sa DPWH, ang nasabing half-covered court ay wala sa kanilang tala bilang naipatayong gusali.

Si Juan ay masigasig. Namataan din si Bolasco na natutulog sa Batasan.

Si Juan ay hindi nangangako. Ang tig-iisang milyon na pondong ipinangako ni Bolasco sa bawat bayan ng lalawigan ay tila pangakong napako lamang sa wala. Ang lahat ng ito ay nabatid ni Juan ngunit tila lingid sa kaalaman ng mga mamamayan. Hindi niya masisisi ang kaniyang mga kababayan sa paghahangad na mabura na sa kasaysayan ang dinastiyang nauna ngunit sa paghahangad na ito’y hindi nila namamalayan na panibagong dinastiya ang namumuo. Kung gayon, naisahan nanaman ang bayan ni Juan.

Buo ang pag-asa ni Juan.

Sa pangalawang pagkakataon muling nangarap si Bolasco na ituloy ang kaniyang sinasabi na pagbabago. Pagbabago na puro lamang pala pambobola. Ngunit nagkaisa ang mga mamamayan na muling ibalik ang Yeser sa posisyon.

Matapos ang kontrobersiyal na pagkapanalo sa pinakamataas na posisyon bilang kinatawan ng lalawigan. Ang bagong kinatawan sa angkan ng mga Yeser ay aktibong nagpatuloy ng pagbabago. Ipinagpatuloy niya ang dati ng nasimulan ng mga Yeser, ang pagsasaayos ng mga kalsada, mga patubig at reporma sa edukasyon. Bukod dito, sa unang araw pa lamang ng regular na sesyon sa batasan, nagpanukala na agad siya ng resolusyon upang pangalagaan ang santwaryo ng Verde Passage laban sa mapanira at mapang-abusong paggamit nito [Verde Passage Marine Corridor Act of 2013], nariyan din ang resolusyon na nagpapataw ng mas mataas na kaparusahan sa naninira ng mga traffic signage’s at iba pang mga pampublikong kagamitan na nakakatulong upang maiwasan ang tumataas na bilang ng mga aksidente. Isa rin ang kinatawan na ito sa mga nagsulong ng panukalang batas na nagbibigay kalayaan sa mga pampublikong guro na hindi makilahok o tumulong sa halalan. Ang panukalang batas na naglalayong pangalagaan ang mga kaguruan sa Pilipinas ay kasalukuyang nasa ikatlo at huling pagbasa na sa Senado [HB 5412]. At marami pang iba.

Ang bagong kinatawan na pumalit kay Bolasco ay siya na marahil na hinahanap ni Juan para sa pagbabago sa kaniyang bayan.

Bukod dito, si Juan ay ayaw sa pagmimina. Kaisa niya ang kinatawan ng mga Yeser sa adhikaing ito. Kaalinsabay ng mga nauna nang naipanukalang mga batas at resolusyon, ang batas na naglalayong tuluyan nang itigil ang pagmimina sa lalawigan ng Marinduque at ang mga ilegal na gawaing nakapaloob dito. Ito ay upang hindi na maulit pa ang kalunos-lunos na sinapit ng lalawigan sa Marcopper Mining Disaster. Si Yeser na kinatawan ng Marinduque ay siya ring Vice-Chair ng Committee ng National Defense and Security na nag-imbestiga sa nakaraang Mamasapano Clash kung saang napatay ang 44 SAF Commandos.

Ngayon, muling nahaharap ang lalawigan sa krisis ng pagkakakilalan kung sino nga ba talaga ang dapat na maupo sa panunungkulan.

Responsable si Juan. Hindi siya basta-basta tumatangkilik ng isang pinuno na pakitang-tao lamang at puro papogi.

Si Juan ay marunong magbigay respeto. Ang bayan ni Juan na nagsalita at pumili ng kanilang nais na manungkulan noong 2013 ang tangi niyang pinanghahawakan ngayong mga panahon na ang batas ay hindi makatarungan, hindi patas at may kinikilingan.

Matalino si Juan. Alam niya na kinakailangan nang buwagin ang mapang-aliping dinastiya sa pulitika nguit ang hinahanap niyang papalit ay isang responsable, mahusay, masipag, matalino at isang pinuno na may malasakit para sa kaniyang bayan.

Kung ang papalit din lamang ay kawatan at higit na sugapa sa kaban ng bayan, Huwag Na Lang Muna. Sinisiguro ni Juan na ang pinuno na papalit sa dinastiya ay hindi magmumula sa isa pang dinastiya. Kung magkaganoon, wala ding pinagkaiba.

Ang bayan ni Juan ay hindi napasisilaw sa salapi at kinang ng plataporma, mga pangakong napapako at mga pambobola. Hangga’t tayo mismo ang hindi nagbabago at patuloy na tumatangkilik sa mga “pulpolitiko”, malabo pa sa rumaragasang baha ang inaasam nating kaunlaran.

Ito po si Juan, nananawagan sa kaniyang mga kababayan at katuwang po ninyong nananabik sa pagbabago.

Si Juan ay matiyagang nagbasa at umunawa ng akdang ito.

Tularan si Juan!

Akda ni Jimbo M. Fatalla
About the Author

Jimbo M. Fatalla hail from Buenavista, Marinduque. He is currently studying Bachelor of Arts in Social Sciences major in Social Anthropology at the University of the Philippines - Baguio. He is a former Editor-in-Chief of "The Buena Star" the official school publication of Buenavista National High School.