Mula sa best-selling author ng “It’s a Mens World” na si Bebang Siy, isang makulit na honeymoon travelogue |
Sa’n tayo magha-honeymoon? Tanong niya.
Kahit sa’n basta apat na pantig ang pangalan ng lugar, sagot ko.
So, napadpad kami sa Ma-rin-du-que.
Dala-dala: toiletries, flashlight, Gatorade, laptop at internet stick, mga cellphone at charger, Off Lotion, 5k (na hinugot namin sa mga sobreng natanggap noong kasal, thank you po nang bongga, Ninongs and Ninangs! By the way, me inipit din akong konting safety money sa garter ng panty ko), mga damit na pang-apat na araw, ilang seksing salawal na pang-ilang gabi (seksi talaga, ‘yong isa napagkamalan ko ngang pantabing sa pisak na mata ng pirata) AT bride and groom na paper crafts.
Dala-dala: toiletries, flashlight, Gatorade, laptop at internet stick, mga cellphone at charger, Off Lotion, 5k (na hinugot namin sa mga sobreng natanggap noong kasal, thank you po nang bongga, Ninongs and Ninangs! By the way, me inipit din akong konting safety money sa garter ng panty ko), mga damit na pang-apat na araw, ilang seksing salawal na pang-ilang gabi (seksi talaga, ‘yong isa napagkamalan ko ngang pantabing sa pisak na mata ng pirata) AT bride and groom na paper crafts.
Kasama ang ilang napakabuti at napakatiyagang mga kaibigan, mga tatlong linggo naming ginawa ang 200 pirasong bride at groom paper crafts. Dekorasyon ito sa mga mesa ng aming wedding reception. Pagkatapos ng kasal, nagtago kami ng isang pares at isinama namin ang mga ito sa aming first adventure bilang lawfully wedded husband and wife.
Day 1 – January 2, 2014
9:00 a.m. – Lumarga ang bus namin mula sa Jac Liner Buendia Bus Terminal papunta sa Lucena. Sa Dalahican Port ang aming destinasyon to be exact. Ang pamasahe per head: Php 230.
Sa loob ng bus, Google lang ako nang Google tungkol sa aming pupuntahan.
Eto ang ilang mga site na nabasa ko:
Pero wala akong mabuong itinerary pagkatapos kong magbasa-basa. Hindi kasi ako decision-maker na uri ng tao. So sa pagkatagal-tagal kong nag-Google (sa haba ng biyahe: 6 oras), ang napagdesisyunan ko lang ay, “Basta ang target natin, isang kuweba, isang museo, isang beach, at isang bundok.” Game daw, sabi ni Poy, ang aking brand new husband or BNH for short.
3:00 p.m. – Dumating sa Dalahican Port ang bus na sinasakyan namin.
Picture-taking na umaatikabo ang naganap kasama sina Little Bride at Groom. Tama, nag-picture-picture muna kami bago lumapit sa nakapaskil na iskedyul ng barkong papunta sa Marinduque.
Tapos naisip namin na kahit ilang daang picture ang kunan namin, hindi pa rin kami makakarating sa Marinduque kung hindi kami sasakay ng barko. So tiningnan na namin ang iskedyul. ☺
Batay sa research ko, sa Balanacan Port ang tungo namin. Pero 10:30 p.m. pa ang ROROng papuntang Balanacan. Medyo matagal kaming maghihintay kung ganon! Nagtanong kami sa counter at napag-alaman naming dadaan pala ng Balanacan ang lahat ng biyaheng pa-Cawit Port. So bumili na kami ng ticket pa-Cawit, ‘yong biyaheng 4:00 p.m.
P260 + terminal fee na P 30. (Bah, parang airport lang, ano? May terminal fee rin!) Total= P290 per head.
Maganda rito kasi may sistema. Pagkatapos naming magbayad ng tiket, pinapirma kami sa isang listahan. (Apelyido ko pa rin ang inilagay ko. Siyempre, di pa ako sanay na gamitin ang apelyido ni BNH.) Ang listahan na ito, siguro, ‘yong ipinapakita sa mga disaster council kapag may lumulubog na sasakyang pandagat. ‘Yong manifest kung tawagin. Siyempre, kapag wala sa manifest ang pangalan ng isang pasahero, ibig sabihin, hindi siya sumakay sa sasakyang pandagat na iyon. O di kaya, nakapasok siya doon sa ilegal na paraan!
Anyway, maaliwalas naman ang panahon, ba’t ba paglubog-lubog ang naiisip ko? Ek. Morbid.
Dahil maaga pa naman at medyo gutom na rin kami, kumain muna kami sa malapit na karinderya.
Mahal dito. P50 ang ulam, hiwalay na bayad pa ang kanin. Mas mahal pa sa karinderya ng Maynila! E, kumusta ba ang karinderyang ito?
Nothing fancy, di ba?
Pagkakain, pumasok na kami sa loob ng terminal. Maganda pala rito. Malinis, may mga tindahan din ng pagkain at sitsirya, maraming upuan. Meron ding higaan for rent. Siguro para ito sa mga naaabutan ng gabi o madaling araw sa paghihintay ng RORO.
Marami ding porter na nakaupo at nanonood ng TV. Nagtaka ako. Ba’t andaming porter dito? Walang pasahero?
Naalala kong 4:00 p.m. ang alis ng RORO na sasakyan namin. Kaya pala sila nandoon ay dahil tapos na silang maghatid ng mga pasahero papasok sa 4:00 p.m. na RORO. Tumakbo kami papunta sa daungan. Baka maiwan kami!
Pero paglabas namin, sitting pretty pa ang RORO. Kaya nag-picture pa kami.
Pagkasakay namin, hindi nagtagal, lumarga na ang RORO. Iniwan namin ang mga gamit namin sa kuwarto ng crew (ginamitan ko lang ng charm ang pakikisuyo). Tapos naglibot kami sa loob ng RORO.
Ang aliwalas!
Kasya ang ilang sasakyan sa loob ng RORO.
‘Yong mama sa kaliwa, ‘yong me camera, hindi ko po ‘yan kilala. Joke. Ladies and gentlemen, ‘yan si BNH (brand new husband)! Woho!
O, alam ko, mukhang sagwan. Tama na. Tama na ang lait.
Ganyan talaga ang true love. Pakakasalan mo talaga no matter water.
Tatlong oras din ang biyahe. Pero hindi kami nainip. Pareho kasi kaming mahilig sa waterscape. Kaya na-enjoy namin ang trip mula sun up…
to sundown.
7:00 p.m. – Dumating na ang RORO namin sa Balanacan Port.
May mga morion na sumalubong sa amin! Wah! Akala ko pag summer lang may Moriones.
Sumakay kami ng dyip sa pag-asang mahanap ang pinaka-poblasyon ng Balanacan. Ayon sa internet, sa poblasyon daw makikita ang Palms By the Beach na resort. Puwede kasing doon kami mag-first night.
Sabi ng aming napagtanungan sa terminal ng dyip, sumakay daw kami ng Mogpog na dyip. Dadaan daw doon iyon. Sakay naman kami. Sabi ko sa mamang driver, sa bayan po kami. Bayan meaning poblasyon.
Sabi nito, P35.00 po ang isa. Sa isip ko, ang mahal. Anlayo naman ng poblasyon.
Iyon pala, natuklasan ko, after 30 minutes ng pagtakbo ng dyip, ang bayan na tinutukoy ng driver ay bayan ng Mogpog. As in poblasyon ng Mogpog.
Anong alam namin sa Mogpog?!
Wala. Joke. Isa. Me isang hotel sa Mogpog. Nakita ko rin ito sa internet. Hilltop Hotel ang pangalan. Kaya okey lang na lumagpas na kami sa poblasyon ng Balanacan. Sige na. Hayaan na.
Mga 8:00 na ng gabi nang ibaba kami ng driver sa palengke ng Mogpog. Nagtanong-tanong kami roon kung saan namin matatagpuan ang Hilltop Hotel. Malapit daw ito sa simbahan.
Pagkaraan ng mga sampung minutong paglalakad, narating namin ang simbahan. At ilang kayod pa ng paa, ang Hilltop Hotel na.
Siyempre, sa ganda ng pangalan katunog pa ng Hilton Hotel, akala namin ay ten-star hotel ang Hilltop.
Hindi, o hindi.
Isa pala itong mataas, malaking bahay na gawa sa kahoy. Napakarami nitong kuwarto, malalaking kuwarto, in fairness. Na may malalaking CR at kabinet.
Kaya okey din, masaya na rin kami. Baket? Magkano ang overnight stay? P600. May aircon na iyan. O, di ba, winner?
Eto ang aming room. Diyan magaganap ang umaatikabong “mogpogan.” Waha!
Heto ang address ng Hilltop: Mataas na Bayan, Mogpog, Marinduque.
Napakadali ring kausap ni Ate Rochelle, na siyang tumatayong receptionist/tagabantay/cashier/room attendant. Tinanong ko kung puwedeng late na kami mag-check out kinabukasan dahil gabi na kaming nakapag-check in. Ang sagot niya, “Ay, kahit anong oras po.”
Winner talaga.
Isa lang ang hassle, walang restawran ang Hilltop Hotel. Kelangan naming lumabas para maghanap ng makakainan. Nag-alok si Ate na ibibili na lang daw niya kami ng pagkain. Pero tumanggi kami. Gusto rin naming ma-explore ang poblasyon ng Mogpog sa gabi.
So naglakad-lakad kami. Ang tahimik! (Parang kalsada lang ng Maynila pag may laban si Pacquiao.)
May natanong kaming ale. Sabi niya, wala na raw kainan doon. Pati sa palengke, sarado na raw lahat. Sa di kalayuan ay may naaninag kaming sign board na may ilaw. Sabi namin, “Ate, iyon po, kainan po ba iyon?”
Sabi niya, “Ay, oo nga pala, may short order sa Shirley’s. Puwede kayo riyan.”
Pagkatapos naming magpasalamat, naglakad kami papunta sa maliwanag na iyon. Hmm… Shirley’s, parang pangalan naman ng restawran.
Pagdating namin sa Shirley’s, bale dalawang establishment pala ito.
Lodging house! Baka puwede rin kami rito mag-stay, a.
Sa labas ay mukhang sari-sari store lang ang tinatawag na eatery. Pagpasok namin sa isang makitid na entrada, bumungad ang isang malawak na space na kinatitirikan ng kubo-kubo. Ang ilaw ng mga kubo, pula. Pula! Eatery na pula ang ilaw?
Isang aleng naka-apron ang nag-assist sa amin. Parang nagtataka siya sa pagdating namin nang ganong araw (Huwebes), buwan (Enero), at oras (8:15 ng gabi). Naghanap kami ng menu pero sabi ni Aling Apron ay chicken na lang daw ang isine-serve nila. Meron din daw silang pansit. Kaya iyon na nga ang inorder namin. Plus dalawang kanin at Coke.
Pag-alis ng ale, nakapagmasid pa kami. May tatlong babaeng medyo seksi ang damit. Sila ‘yong nagse-serve. Nasa twenties siguro ang edad. Sa labas ng isang kubo, may tatlong lalaking medyo mashonda na, nag-iinuman sila’t ang ingay nilang magkuwentuhan. Kausap lang naman nila ang isa’t isa, face to face. Paminsan-minsan, kausap nila ‘yong isa o dalawang nagse-serve, lalo pa nilang lalakasan ang boses nila.
“Sabi ko naman sa iyo, ako na lang,” sabi ni Manong Sando Bag.
“Ay, Kuya, may asawa ka na,” napapahagikgik na sagot ni Miss Violet Blouse 2014.
Naglakad kami pabalik sa sari-sari store at bumili kay Aling Apron ng mani. Nagtanong na rin kami kung puwedeng makita ang vacant rooms nila at kung magkano ang mga rate nito.
Isinama kami ni Ate sa 2nd floor. Isa pala itong bahay na may second floor at nahahati ang 2nd floor sa maliliit na kuwarto. As in maliliit. Pag upo mo sa kama, mauuntog ang tuhod mo sa pinto pag biglang may nagbukas niyon. P300 per 3 hours ang rate. Bihira naman daw kasi ang nag-o-overnight doon. Pero kung gusto raw namin, P500 lang daw.
Nagkatinginan kami ni brand new husband.
Ting! Motel! Tel! Tel! Tel!
Nag-umpugan ang mga tanong sa isip ko. Sino ang kliyente ng Shirley’s? Uso ang motel-motel tryst sa bahaging iyon ng Mogpog? Ng Marinduque? Hindi ba madaling matsismis kapag tagaroon ka at magtse-check in ka sa Shirley’s? Ang alam ko, magkakakilala ang mga tao sa probinsiya. I guess, malamang sa malamang, mga dayo o taga-ibang bayan ang pumupunta roon para mag-three-hour stay.
Pagbalik namin sa baba, sa sarili naming kubo, hindi nagtagal ay dumating na rin ang pagkain namin. Nakalimutan ko na ang maliliit na kuwarto at ang mga posibleng dwellers nito.
Ang sarap kasi ng chicken! Buttered chicken. Nasarapan din ako sa pansit.
Habang kumakain, tinanong ko si Poy kung gusto niyang mag-beer kami. Medyo kinakabahan kasi ako noong paonti na lang nang paonti ang pagkain namin. Pagkatapos nito, babalik na kami sa hotel, di ba? Tapos, honeymoon na naming tunay. Wow, nakakakaba! E, doon pa nga lang sa kubo, hinahalik-halikan na niya ako sa labi.
So feeling ko, para mawala ang kaba ko, kelangan ko talagang mag-beer.
First time kasi namin pareho sa larangan ng honeymoon.
First time para sa 2014.
Ikaw naman, o.
So nag-order nga kami ng beer at nagkuwentuhan pa. Background na lang namin ang maiingay na mama. Nakikipagtuksuhan pa rin sila paminsan-minsan doon sa mga nagse-serve.
Sabi ni Poy, parang Perez, Quezon ang mga kalsada ng Mogpog. Ganoon din daw ang size ng mga kalsada, malinis, tahimik, kaunti ang tao sa ganitong oras ng gabi.
Ang naalala ko naman doon ay ang tahimik na bahagi ng San Dionisio, Parañaque. Nanirahan ako doon nang isang taon noong bata pa ako. Ang ipinagkaiba lang, mas dikit-dikit ang bahay sa San Dionisio. Dito sa Mogpog, layo-layo pa. May mga baku-bakuran. At iyon nga, di hamak na mas malinis kaysa sa San Dionisio.
Sabi niya, ang lakas ko raw kumain.
Sabi ko, pakiramdam ko kasi fresh lahat ng sine-serve sa mga probinsiya. Saka hindi minamadali ang preparasyon, ang pagluluto.
Di katulad sa Maynila, lahat shino-short cut. ‘Yong manok, ilang minuto lang na ilulubog sa mantika, puwede nang ihain. De numero, de oras, de minuto.
Ang sarap-sarap din huminga tulad ngayon. Kasi fresh na fresh ang hangin. Sa Maynila, gusto mo mang mag-inhale-exhale nang maluwalhati, may sumusundot na takot sa ilong mo. Pa’no ‘yong lead sa hangin, ‘yong carbon monoxide, ‘yong iba pang toxic gas?
Tahimik lang si BNH.
So iniba ko na ang usapan, baka masyadong toxic para sa honeymooners. So pinag-usapan na lang namin kung saan kami pupunta kinabukasan. Ganito ang naging takbo:
Ako: Google na lang.
Siya: Okey.
Pagkatapos pa ng ilang makabuluhang usapan tungkol sa mga balak naming gawin sa Marinduque, nagpasya na kaming mag-bill out. Tumataginting na lagpas P400 ang aming bill.
Yes, mahal pa sa Maynila!
Mahigit P200 pala ang buttered chicken. P70 ang pansit. P40 ang dalawang kanin. P30 ang mga Coke. P70 ang dalawang San Mig Light.
Hindi kasi kami nagtanong ng presyo ng pagkain bago kami umorder. Ayan!
E, magha-honeymoon na kami, OMG, OMG. Hindi puwedeng bad vibes ako, o siya.
Hay. Dinner for 2, non-aircon venue, lagpas P400. Hay. Di bale. Keri na. Keri na.
Probinsiya naman iyon. Minsan lang kaming mapadpad doon. Fresh ang sangkap ng pagkain, hindi minamadali ang preparasyon at pagluluto. Fresh ang hangin. At masarap naman ang manok. (Kaya pina-take out na lang namin ang natira, iyon na ang aalmusalin namin kinabukasan.) Keri na. Keri na.
So naglakad na kami pabalik sa Hilltop. Winawaksi na ng isip ko ang na-over the budget naming hapunan. (O sadyang kuripot lang talaga ako?)
Pagdating sa “hotel room,” nag-ready na ako para sa aming gabi. Woho!
Da bed:
Da guide (kelangan namin ito, first timers, e):
Da attire (ito lang ang suot ko, wink, wink):
Joke! Eto:
Tapos sabi ni Brand New Husband, “Higa na tayo.”
Eeeeeee! Eto na! Eto na!
Da position:
Ay, asa pa. Siyempre, pagod kami. Maghapon ang biyahe.
Zzz...
Copyright ng teksto: Bebang Siy | Copyright ng mga larawan: Bebang Siy at Ronald Verzo
Mag-iwan ng mensahe sa ating Chat Box sa ibaba:
Mag-iwan ng mensahe sa ating Chat Box sa ibaba: