GASAN, Marinduque -- Tumanggap ng mga alagaing manok mula sa Department of Agriculture (DA) ang nasa 149 na mga residente sa bayan ng Gasan, Mogpog at Boac sa lalawigan ng Marinduque, kamakailan.
Ayon kay Assistant Provincial Agriculturist Susan Uy, ang pagkakaloob ng broiler chicks ay bilang tugon sa pagbibigay ng alternatibong proyektong pangkabuhayan para sa mga magsasakang lubos na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) na tumama sa probinsya noong nakaraang taon.
"Mahigit 18,000 na mga sisiw ang matagumpay nating naipamahagi para sa unang batch ng mga benepisyaryo na pawang nagmula sa unang distrito ng ating lalawigan," pahayag ni Uy.
Naging katuwang ng Provincial Agriculture Office ang DA-Mimaropa kung saan ay naglaan ang ahensya ng pondong aabot sa P20 milyon na ginamit sa pagbili ng naturang mga broiler chick.
Nakatakda namang ipamahagi sa mga darating na araw ang natitirang 89,000 na mga sisiw sa ikalawa, ikatlo at ika-apat na batch para sa 96 na barangay na binubuo ng 1,723 na mga residente.
Una rito ay naipamahagi na ang tone-toneladang feeds upang masiguro ang lubos na tulong at suporta sa mga benepisyaryo na magdudulot ng matagumpay na implementasyon ng nasabing programa. -- Marinduquenews.com