BOAC, Marinduque -- Tinatayang nasa 80 motorista kada araw ang maaaring sumailalim sa smoke test dahil sa hatid na Mobile Emission Testing ng Land Transportation Office (LTO)-Mimaropa, pamahalaang panlalawigan ng Marinduque at lokal na pamahalaan ng Boac.
Ito ay matapos ihain ng Sangguniang Bayan ng Boac ang pinagtibay na resolusyon bilang 2023-171 na humihiling sa Department of Transportation (DOTr) na magkaroon ng mobile emission testing center para sa mga may-ari ng sasakyan sa probinsya dala ng hirap na dinaranas ng mga ito sa pagsumite ng aplikasyon para sa 'car registration renewal'.
Ayon kay Vice Mayor Mark Anthony Seño, ang nasabing resolusyon ay ipinasa sa tanggapan noong Agosto at nagpapasalamat siya sa katuparan ng hakbanging ito. Binigyang-pagkilala din niya ang mga kapwa lingkod bayan sa pagtatyaga na matutukan ang problema sa emission testing center.
“Talagang ito po ay pinagsumikapan ng pamahalaang bayan dahil nakita po natin ang hirap na dinaranas ng mga motorista sa pag-renew ng kanilang sasakyan. Umaga pa lamang po ay nakapila na sa ating nag-iisang emission testing center ang mga tricycle driver subalit 48 lamang ang kaya nilang i-accommodate sa isang araw," ani Seño.
Sa kasalukuyan ay nagsisimula nang tumanggap ang LTO-Boac ng mga indibidwal na nais magpalista para sa mobile emission test na inumpisahan noong Setyembre 7 hanggang Setyembre 20. -- Marinduquenews.com