BOAC, Marinduque -- Sa pagbabalik ng 'Pasinaya: Open House Festival na may temang Piglas-Sining ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) ay mapalad na napabilang ang Culture and Arts Unit ng Marinduque State College bilang Kaisa sa Sining (KSS) Regional Arts Center.
Ang Pasinaya ay binubuo ng limang elemento na kinabibilangan ng pagtitipon, palihan, palabas, palitan at paseo museo na may layuning pagsamahin ang bawat sangay ng CCP upang maibahagi ang mga plano at programa sa lahat ng Regional Arts Center sa buong bansa.
Ayon kay Dr. Randy Nobleza, associate professor sa MSC School of Liberal Arts, nagkaroon din ng iba’t ibang pagtatanghal ang mga CCP Resident Companies, propesyunal, amateur at community-based na mga manlilikha at organisasyong pansining.
Ang naturang aktibidad ay naging bukas sa publiko at tumanggap ng donasyon na hindi bababa sa P50 na nagsilbing tulong sa pagpapalawig ng kaalaman sa sining, musika, dulaan, sayaw, sining biswal, pelikula, at panitikan. (Ana Maria Korina D. Arcilla/MNN)