BOAC, Marinduque -- Malaki ang porsiyentong ibinaba ng produksyon ng mga nahuhuling isda sa karagatang sakop ng probinsya ng Marinduque sa unang semestre nang nakaraang taon ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa datos na inilabas ng ahensiya, bumaba ng 33.04 porsiyento ang produksyon mula sa 3,470.29 tonelada na ngayon ay 2,323.60 na lamang.
Sa ulat ni Gemma N. Opis, Chief Statistical Specialist ng PSA-Marinduque bumagsak din ng 3.71 porsiyento ang commercial fisheries, 34.08 porsiyentong pagbaba sa municipal fisheries at ang isdang-tabang ay bumaba ng 79.74 porsiyento kumpara sa nakaraang taon.
Samantala, pinakamaraming huli ang galunggong na nasa 96.25 tonelada. Sinundan ito ng tulingan at tamban. Hindi naman umabot sa isang tonelada ang dalagang bukid. (Ana Maria D. Arcilla/MNN)