MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Thursday, December 13, 2018

Marinduque Ang Bayan Ko


Aking minamasdan lalawigang pinagmulan
Kaakit-akit ang ganda at kanyang kaanyuan
Dinarayo ng karamihan, sadyang hinahangaan
Ang kanyang kapaligiran na hitik at luntian.

Buenavista ang bayan, una kong ituturan
Pinakamaliit na bayan sa ating lalawigan
Mayaman sa paniniwala at mga kasaysayan
Mga tao'y relihiyoso at sadyang palakaibigan.

Kultura ng taga Gasan akin pong itatampok
Hiyas ng tatlong pulo na sayo ay bumabalot
Pag-iibigan nina Garduke na natapos sa laot
Bayang pinagpala sapagkat walang sigalot.

Kabisera ng lalawigan, Boac ang pangalan
Sentro ng komersyo, negosyo at kalakalan
Nagtatayugang gusali sayo'y matatagpuan
Luklukan ng kapangyarihan, ikaw ang pinagmulan.

Mogpog ang pangalan, pinagmulan ng Moriones
Pinto ng lalawigan sa mga dumarating at umaalis
Cardinal Vidal 'yong anak na naging 'Your Eminence'
Luzon Datum sa Hinanggayon sentro mandin ng Philippines.

Santa Cruz naman ang turan na panakamalaking bayan
Maniwaya, Polo at Mongpong sayo'y matatagpuan
Mula sa mga aplaya hanggang sa kabundukan
Marcopper na minahan tayo sana ang pinakamayaman.

Itong huling bayan Torrijos kung maturingan
Tanyag na Pulang Lupa na dati'y pinaglabanan
Angking kabayanihan ng iyong mamamayan
Poctoy White Beach na tanyag ikaw ang kanlungan.

Marinduque ang bayan ko, mahalin natin ito
Karapat dapat kang alayan ng mataas na respeto
Susunod na henerasyon huwag turuan ng liko
Bagkus pakaingatan, pagpugayan ng wasto.

Kathang Tula ni Eleuterio R. Raza, Jr. / Marinduquenews.com