MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Wednesday, January 24, 2018

Update kay Lola Julia


Kahapon, Enero 23 ay inilathala natin ang kwento ni Lola Julia kung saan, isang samaritana ang nanawagan na matulungan si lola na maiuwi sa Marinduque.

Dahil sa pagkakaroon ng pusong maawain at pusong mapagmahal ng ating mga kababayan, marami ang naantig sa kwento ni lola at nagpledge na tutulong.

Isa na rito ang ating kababayan na si Arman Mandy Palma, tubong Santa Cruz, Marinduque.

Kaninang umaga ay sinadya ni Kabayang Mandy ang lugar na tinitirhan ni lola sa Malipay, Bacoor, Cavite. Napag-alaman na makakalimutin na pala si lola. Ang kanyang tunay na pangalan ay Julia Morales at hindi Julieta Mendiola kagaya ng unang naiulat. 75 years old ito at tubong Tiguion, bayan ng Gasan.

Sa kasalukuyan si lola ay nakatira sa isang maliit na barong-barong, kadikit ng bahay ng kanyang anak na si Eva.

Si Mandy Palma, kasama si Lola Julia at si Eva
Sa panayam ng Marinduque News kay Mandy, kung siya ang tatanungin, hindi na kailangang iuwi si lola sa Marinduque sapagkat wala ng mag-aalaga kay lola sa probinsya. Namatay na ang lahat ng mga kapatid nito. Inaasikaso naman umano ito ng kanyang anak.

Subalit, kinakailangan ni lola ng mga pagkain, damit at iba pang kagamitan. Kaya sa mga nagnanais na magpaabot ng biyaya kay lola, kontakin lamang si Kabayang Mandy sa kanyang Facebook account. -Romeo Mataac, Jr. / Marinduquenews.com