MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Tuesday, January 23, 2018

Kalesayahan Festival ng Gasan saan na ngani baga ang tungo?


Ang Kalesayahan Festival ay isang natatanging pagdiriwang tampok ang pangunahing uri ng transportasyon sa islang lalawigan ng Marinduque noong sinaunang panahon.

Tangi itong ipinagdiriwang sa bayan ng Gasan tuwing buwan ng Agosto bilang pagbibigay halaga sa naging kontribusyon ng “kalesa” sa ekonomiya at kalakalan sa isla, sa paghahakot at pagdadala ng mga aning bukid ng mga magsasaka sa pamilihang bayan. Ito rin ay naging simbolo ng karangyaan ng mga may-kaya noong unang panahon.

Ang salitang "Kalesayahan" ay hinango sa salitang "kalesa", isang uri ng sinaunang sasakyang hila ng kabayo at sa salitang "kasiyahan" na sumi simbolo sa pagiging likas na masayahin ng mga Marinduqueno partikular ang mga mamamayan ng Gasan.

Ang pagdiriwang ng "Kalesayahan" ay sinadya upang gisingin ang natutulog na diwa ng mga lokal na mamamayan at mga turistang dumarayo sa isla sa kahalagahan at kontribusyon ng kalesa, na kalaunan ay ginawang atraksyon na kinagigiliwan ng mga turistang dayo sa isla.

Subalit sa mabilis na pag-usad at marahil sa impluwensiya na rin ng makabagong panahon, unti-unting napalitan ng makabagong sasakyan ang kalesa.

Bukod pa ang tagumpay na programa ng pamahalaan na farm to market road, naging mabilis at napagaan nito ang pagluluwas ng mga aning bukid ng mga magsasaka maging sa mga liblib na lugar sa mga kanayunan.

Alalaon baga ay nawalan ng silbi ang mga kabayo, ibinenta, ginawang tapang kabayo o di kaya ay adobo sa gata at luyang dilaw.

Umunti na ng tuluyan ang populasyon ng kabayo sa isla. Napalitan na ang "kalesa", dumami na ang motorsiklong hulugan. Dumami na rin ang usong kotse, SUV, pick-up at iba pang uring kagaya nito.

Sa unti-unting pagka-ubos ng kabayo sa probinsya ng Marinduque, saan na kaya patungo ang masaya, makulay at dinarayong pagdiriwang ng "Kalesayahan Festival"?

About the Author: Dr. Josue Victoria is the provincial veterinarian of the island province of Marinduque.