BOAC, Marinduque (PIA) -- Nabigyan ng Department of Labor and Employment (DOLE) nang pagkakataong makapagtrabaho sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay para sa mga Displaced/Disadvantaged Workers o TUPAD ang mga person deprived of liberty (PDL) sa probinsya ng Marinduque.
Tinatayang nasa 32 na mga benepisyaryo ang lumahok sa isinagawang oryentasyon ng DOLE katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Marinduque sa pamamagitan ng Livelihood Manpower Development and Public Employment Service Office (LMD-PESO).
Labinglima sa naturang mga benepisyaryo ay mga dating bilanggo na inaasahang magtatrabaho sa loob ng 15 araw habang ang natitirang 17 na kasalukuyang nakapiit ay magta-trabaho sa loob ng 10 araw sa ilaim ng istriktong pangangasiwa ng mga opisyal ng provincial jail.
Ayon kay Alma C. Timtiman, head ng LMD-PESO, layunin ng programa na matulungan ang mga dati at kasalukuyang PDL ng Marinduque Provincial Jail na mabigyan ng oportunidad na magkaroon ng emergency employment kung saan sila ay magtatanim ng mga gulay at magsasaayos ng mga pasilidad sa nasabing panlalawigang bilangguan.
"Ang programa pong ito ay bilang tanda ng pagtataguyod at walang sawang pagbibigay ng patas na serbisyo ng pamahalaan sa lahat ng ating mga kababayan maging sa sektor ng persons deprived of liberty sampu ng mga dating miyembro nito," wika ni Timtiman.
Samantala, para maging kapaki-pakinabang ang bawat oras sa loob ng bilangguan ay gumagawa rin ng mga parol ang mga preso na bahagi ng kanilang rehabilitasyon at social re-integration. (RAMJR/PIA Mimaropa-Marinduque)