TORRIJOS, Marinduque -- Napananatili ng lalawigan ng Marinduque ang pagiging rabies-free status at best rabies program implementer sa nakalipas na halos isang dekada.
Pitong taon ang nakararaan nang garawan at kilalanin ng National Rabies Prevention and Control Committee (NRPCC) ang probinsya bilang isa sa 37 na local government units (LGU) sa buong bansa na nagpapatupad ng pinakamahusay, de-kalibre at seryosong programa ukol sa rabies.
Nitong Setyembre 4 hanggang Setyembre 8, bilang tugon sa Mimaropa Initiative, One Time Big Time: Mass House to House Anti-Rabies Vaccination and Mass Neutering of Dogs and Cats na may temang 'Sa Mimaropa, ang pagsugpo sa rabies ay sama-sama hindi kanya-kanya', muling umarangkada ang grupo ni Dr. Josue Victoria, provincial veterinarian para magbakuna at magkapon ng mga aso at pusa sa probinsya.
Kasama ni Dr. Victoria ang buong pwersa ng Provincial Veterinary Office katuwang ang Philippine Veterinary Medical Association (PVMA), mga volunteer vaccinator mula sa Puerto Princesa City, Sablayan, Mamburao, Magsaysay, Rizal, Occidental Mindoro, San Jose Del Monte at San Juan City gayundin ang mga kinatawan mula sa Provincial Veterinary Office ng Oriental Mindoro at Romblon.
Kabilang din sina PVMA Vice-President Elect Dr. Harris Constantino at PVMA Board of Director Dr. Jerry Alcantara sa nakiisa sa gawain kung saan ay nagkaloob ang mga ito ng 30 Zoletil vials at iba pang medikal na gamit para maging matagumpay ang inisyatiba.
Sa panayam kay Victoria, ibinahagi n'ya na umabot sa 5,000 na aso at pusa mula sa bayan ng Gasan at Torrijos ang nabakunahan kontra rabies habang humigit 500 naman dito ang nakapon kaya lubus-lubos ang kanyang pasasalamat sa mga tumugon at umagapay sa proyekto.
"Kung kami lamang ang gagawa ng ganitong inisyatiba ay aabutin kami ng isang taon bago matapos ang ganyan karaming nabenepisyuhan ng programa. Pero dahil sa bayanihan at pakikiisa ng mga kinatawan mula sa iba't ibang probinsya sa Mimaropa at siyudad sa bansa, nagawa lamang natin ito sa loob ng limang araw," pahayag ng provincial veterinarian.
Ang Mimaropa Initiative ay nagkakaisang pagkilos upang sugpuin ang pamiminsala ng rabies sa buong rehiyon habang sa pamamagitan nito ay umaasa ang pamahalaang panlalawigan na mapanatili ang rabies-free status ng Marinduque na nag-iisang probinsya sa Mimaropa na wala nang aktibong kaso ng rabies sa tao at maging sa hayop. -- Marinduquenews.com