GASAN, Marinduque -- Ipinagkaloob ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Livelihood Grant na inaasahang maipagkakaloob sa 100 residente ng bayan ng Gasan.
Sa pangunguna ni Field Office Head, Philip T. Alano, Senior Labor and Employment Officer Marjun S. Moreno at iba pang kasama mula sa DOLE ay iginawad ang chekeng nagkakahalaga ng P1.2 milyong piso kay Mayor Rolando Tolentino na makatutulong sa pagpapaunlad ng rice retailing at food vending business ng mga benepisyaryo.
“Lubos ang ating pasasalamat sa DOLE Marinduque sa patuloy na pakikiisa sa Pamahalaang Bayan ng Gasan upang matulungan ang ating mga kababayan na magkaroon ng maayos na negosyo o pangkabuhayan.” pahayag ng alkalde.
Samantala, hinikayat ni Alano na palawakin at pagyamanin ang livelihood grant upang mas mapagtibay ang samahan ng ahensiya at ng lokal na pamahalaan na makapagbigay ng trabaho at oportunidad sa mga Marinduqueno.
Ang livelihood project ay nasa ilalim ng DOLE Integrated and Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) sa pamamagitan ng DOLE Kabuhayan Program. (Ana Maria Korina D. Arcilla/MNN)