MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Tuesday, January 31, 2023

76 magsasaka ng mais sa Marinduque, nagtapos sa Farmers Field School


BOAC, Marinduque -- Magkakahiwalay na nag-aral ang 76 na mga magsasaka mula sa probinsya ng Marinduque sa loob ng 16 na linggo na pag-usad ng Farmers Field School (FFS) mula Hunyo hanggang Setyembre noong nakaraang taon.

Base sa datus na inilabas ng Department of Agriculture (DA)-Mimaropa, 30 indibidwal ang lumahok mula sa Barangay Tawiran, Sta. Cruz, 25 sa Barangay Dampulan, Torrijos habang 21 naman ang nagmula sa Barangay Tambunan, sa bayan ng Boac.

Kabilang sa mga pinag-aralan ng mga magsasaka ay ang mga hakbang sa produksiyon ng mais mula sa preparasyon at pagpili ng mga tamang binhi hanggang sa pag-aani, paghahanda ng lupang pagtataniman gayundin ang pamamahala sa pagpuksa ng mga peste at sakit.

Naisakatuparan ang nasabing pag-aaral sa inisyatibo ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Rehiyon ng Mimaropa sa ilalim ng Corn and Cassava Program at sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lalawigan ng Marinduque sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office.

Pinangunahan ni Engr. Ma. Christine Inting, OIC-Regional Executive Director ng DA-Mimaropa ang pagtatapos ng mga magsasaka kasama si Provincial Agriculturist Edilberto De Luna. Dumalo rin sa seremonya sina Sta. Cruz Municipal Councilor Revo Joshua Red at Boac Municipal Agriculture Officer Ederlinda Jasmin.

Sa mensahe nina Inteng at De Luna sa mga magsasaka,  binigyang diin nila na gamitin ang kanilang mga natutunan sa FFS dahil malaking tulong aniya ang mga makabagong istratehiya sa pagtatanim ng mais na itinuro sa kanila.

Samahan din anila ng sipag, tiyaga at tibay ng loob ang pagtatanim lalo na sa mga panahong hindi maiiwasan ang pagsubok tulad ng mga kalamidad.

Nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo sa ahensya sa pagkakaroon ng Farmers Field School dahil marami silang natutunan sa programa.

"Simula po sa una ay hindi na ako nag-atubili na sumama sa pagsasanay na ito dahil alam ko na darami ang aking kaalaman patungkol sa paghahalalaman at pagtatanim. Labis labis po ang aking pasasalamat sa ating pamahalaan dahil sa walang sawang pagtulong ninyo sa amin," pahayag ni Marlon Revilloza, magsasaka mula sa Barangay Dampulan, Torrijos. (Romeo Mataac Jr/PIA)