MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Friday, August 2, 2019

Isang Tagpo sa Marinduque: Sa Piling ni Kalikasan

Kuhang larawan ng Mt. Malindig mula sa Yook, Buenavista

Madaling-araw nang aking matanaw,
Palaspas ng niyog ay parang dinuruyan,
Anino ng ambon at ulap sa kalangitan,
Ihip ng hanging may tunog-saksi ang liwanag ng buwan.

Sa tilaok ng manok ako ay nagising,
Baluktot pa sa banig sa lamig ng hangin,
Huni ng mga ibon ay dinig na dinig,
Sa taynga ay awit 'di pa makatindig.

Nang ako’y bumangon agad nasilayan,
Gintong himpapawid sa pagsikat ng araw,
Nalanghap ang kape sa hapag-kainan,
Pinipritong tuyo doon sa abuhan.

Lagaslas ng ulan ay biglang narinig,
Kasabay ay kulog, kidlat humahagupit,
Narinig si amang sa tuwa ay sambit,
"Salamat sa Diyos, basa na ang bukid!"

"Anak, pagsapit ng hapon, par-on sa ilaya,
Si Toro ay uhaw at iyong i-ula".
"Sige po tatay, ang yabang ko pa,
Kahit 'di pa nasubukan at iyon ang una".

"Alin baga dine ang aming kalabaw?
Ang daming nakatali sa aming palayan!"
Lumipas ang oras, 'di ko namalayan,
Si ama’y dumating na pasuray-suray.

Kapag gumagawi sa may tabing-dagat,
Araw na mapula sa dagat ay palusong,
Maraming kabataa't matanda'y naroroon,
Naglalaro sa buhangin tuwing dapit-hapon.

Sa gabi naman ang dagat may mahinang alon,
Tulog ang barkada sa ilalim ng trabon,
Habang naghihintay sa dami ng silong,
Paggising ay hila ang lambat, huli ang dilis at saka galungong.

Maya-maya pa sa langit ng bandang Malindig,
Isang anino ng bundok na naghuhumindig,
Sa likod nito ay may bilog at dilaw na ilaw,
Unti-unting sumusungaw, bilog pala ang buwan!

Ang mga isla, bundok, dagat, bukid at pamayanan,
Sila ang tunay nating kayamanan,
Nagbibigay ng buhay at totoong kasiyahan,
Sana'y 'di masira dahil sa pagkagahaman,
Pagkasira ng mga ito’y tiyak sa dulo’y kahirapan.

Minsan ang tao ay sadyang malupit,
Sumisira sa kalikasang kaloob ng langit,
Kahit nagmumula rito ang ikinakabuhay,
Aanhin ang kaunlaran, kung kalikasa’y sira naman.

Ako ay napadpad sa maraming lupain,
Halos buong mundo ay nalibot na rin,
Subalit ang Marinduque ay talagang naiiba,
Sa puso ko’y nakatanim ganda nito’t alaala.

Ako ay lumilisan at sabik na bumabalik,
Sa bawat paglipad doon sa himpapawid,
Tanaw ang mga bagay na nagpapa-alaala,
Nang islang minamahal at dinarakila.

Pagdating ng araw ng hindi nang paglisan,
Hangad ko ang pagyabong at ang kalinisan,
Kapaligirang pinahahalagahan, totoong inaalagaan,
Ng mga taong masaya't sagana sa 'Piling ni Kalikasan'.

About the Author: Tulang akda ni Ricky Sager. Inspirasyon ni Ricky sa pagkatha ng tula ang kanyang kamusmusan at kinalakihan, ang bayan ng Buenavista. Si Ricky ay kasalukuyang nagta-trabaho sa isang international airline company.  - Marinduquenews.com