MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Friday, July 10, 2015

Marinduque Ligtas sa Fake Rice

Ang Provincial Palengke Watch at ang Monitoring Team ay pinangunahan
ng NFA Acting SEIO Salvador D. Veciana
Boac, Marinduque - Idineklara ng National Food Authority-Marinduque na ang lalawigan ay ligtas sa Pekeng Bigas o Fake Rice at tinatawag ding Synthetic Rice. Ito ay matapos ang aktual na inspeksyon ng mga tindahan ng bigas na accredited at licensed ng National Food Authority (NFA) sa anim na malalaki at nangungunang palengke sa anim na bayan sa buong lalawigan simula nuong Hulyo 5, 2015. Kasama sa pagiikot at pag momonitor ang Provincial Office Palengke Watch at ang Price Monitoring Team.

Ayon kay NFA-Marinduque Manager, Lewina Tolentino dapat tandaan ng mga mamimili ang mga tips sa pagbili ng bigas upang siguradong maayos at tama ang kanilang nabibili. Ang mga sumusunod ay mga tips na makakatulong sa mga mamimili upang hindi makabili ng mga pekeng bigas:
  • Siguraduhing ang binibilhang rice retailer ay accredited o lisensyado ng National Food Authority o sa suking tindahan. Bumili lamang sa mga designated public markets, groceries, supermarkets at NFA accredited retailers sa inyong lugar.
  • Ating tandaan na ang inaangkat na bigas ng NFA at ng mga lisensyado nitong importers ng regular-milled at well-milled rice ay maputi at long-grained o pahaba ang hugis.
  • Dapat ang bigas ay hindi masyadong maputi, at bilog. Kung pare-parehas ang hitsura, ito ay maaaring gawa ng makina.
  • Siguraduhin po natin na hindi amoy PLASTIC ang binibili nating bigas.
  • Iwasang tangkilikin ang bigas na mas magaan ang timbang kaysa sa pangkaraniwan.
  • Hindi rin ito dapat masyadong matigas ang butil at mahirap putulin.
  • Kapag luto na ang bigas, siguraduhing hindi amoy plastic ang kanin at tingnan kung may layer ng plastic na namumuo sa ibabaw ng bigas kapag ito ay naluto na.
Ang Provincial Palengke Watch at ang Monitoring Team ay pinangunahan ng NFA Acting SEIO Salvador D. Veciana. Tumulong at umasiste rin ang Provincial Standards and Quality Assurance Officer Bernadito O. Olympia, Warehouse Supervisor Semilina H. Pagdanganan and Provincial Industry Services Officer Ma. Filipina M. Logamao.

Pinaalalahanan din ni Tolentino ang mga grains businessmen na mas maging mapagmatyag at maingat sa pagtanggap ng mga rice deliveries mula sa mga suppliers. Pinayuhan din ang mga ito na mag-report kaagad sa NFA Provincial Office kung may makita o marinig na kumakalat na hinihinalang pekeng bigas (fake rice) o synthetic rice sa mga merkado.

Dagdag pa ni Tolentino, sa kabila ng mga pangyayaring ito, natitiyak naman niya na may sapat na bigas na nakaimbak ang NFA-Marinduque sa ngayon at para sa mga panahon ng kalamidad. Isang panawagan din sa mga magsasaka na palagian nang magbenta ng kanilang mga sakang palay sa NFA dahil ito ang makakatulong na palagiang magkaroon ng sapat na naiimbak na bigas sa kanilang bodega para sa lahat ng Marinduqueno. Kung ang lahat lamang ng mga magsasaka ay dito magpapasok ng kanilang ani, darating ang panahon na hindi kakailanganin pang umangkat sa ibang lugar ng mga bigas para sa lalawigan.

Source and courtesy: Philippine Information Agency Facebook Page (MNL/PIA-Marinduque)