MARINDUQUE.GOV.PH

Heart and Center of the Philippines

Headlines

Monday, November 6, 2023

Monday, November 06, 2023

DOLE nagbigay ng P1.1-M pondo sa mga mangingisda sa Buenavista


BUENAVISTA, Marinduque -- Inaasahang nasa 80 miyembro nang Samahan ng mga Mangingisda sa Barangay Yook sa bayan ng Buenavista, Marinduque ang makikinabang sa pondong inilaan ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang pagkakaloob ng nasabing tulong pinansyal ay bahagi ng pagsusumikap ng ahensya na makatulong sa lahat ng sektor ng lipunan lalo na sa mga manggagawa at mangingisda upang mapabuti ang kanilang paghahanapbuhay.

Ang pondo na nagkakahalaga ng P1,195,000 ay nakalaan sa pagbili ng mga engine motor para sa mga bangka ng mga benepisyaryo gayundin sa pagbili ng mga kagamitan sa pangingisda kagaya ng fishing gears at iba pa.

Ayon kay Philip Alano, provincial director ng DOLE-Marinduque, ang programa ay nagpapakita ng patuloy na pakikipagtulungan ng kanilang tanggapan sa lokal na pamahalaan upang tutukan ang pagsusulong ng kalagayan ng mga mangingisda at suportahan ang industriya ng pangisdaan pati na rin ang kanilang pamilya.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Eduard Siena sa tulong na ibinigay ng DOLE para sa karagdagang suporta na ipinagkaloob sa mga mangingisda na aniya ay makatutulong ng malaki sa kanilang kabuhayan.

Patuloy ring pinalalakas ng DOLE ang iba pang mga programang makapagpapabuti sa kalagayan ng mga manggagawa sa lalawigan, ilan na rito ay ang DOLE-TUPAD at Nego-Kart na laan para sa mga kwalipikadong mamamayan. (Ana Maria Korina D. Arcilla/MNN)

Tuesday, October 24, 2023

Tuesday, October 24, 2023

Persons deprived of liberty sa Marinduque, nabigyan ng pagkakataong magtrabaho


BOAC, Marinduque (PIA) -- Nabigyan ng Department of Labor and Employment (DOLE) nang pagkakataong makapagtrabaho sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay para sa mga Displaced/Disadvantaged Workers o TUPAD ang mga person deprived of liberty (PDL) sa probinsya ng Marinduque.

Tinatayang nasa 32 na mga benepisyaryo ang lumahok sa isinagawang oryentasyon ng DOLE katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Marinduque sa pamamagitan ng Livelihood Manpower Development and Public Employment Service Office (LMD-PESO).

Labinglima sa naturang mga benepisyaryo ay mga dating bilanggo na inaasahang magtatrabaho sa loob ng 15 araw habang ang natitirang 17 na kasalukuyang nakapiit ay magta-trabaho sa loob ng 10 araw sa ilaim ng istriktong pangangasiwa ng mga opisyal ng provincial jail.

Ayon kay Alma C. Timtiman, head ng LMD-PESO, layunin ng programa na matulungan ang mga dati at kasalukuyang PDL ng Marinduque Provincial Jail na mabigyan ng oportunidad na magkaroon ng emergency employment kung saan sila ay magtatanim ng mga gulay at magsasaayos ng mga pasilidad sa nasabing panlalawigang bilangguan.

"Ang programa pong ito ay bilang tanda ng pagtataguyod at walang sawang pagbibigay ng patas na serbisyo ng pamahalaan sa lahat ng ating mga kababayan maging sa sektor ng persons deprived of liberty sampu ng mga dating miyembro nito," wika ni Timtiman.

Samantala, para maging kapaki-pakinabang ang bawat oras sa loob ng bilangguan ay gumagawa rin ng mga parol ang mga preso na bahagi ng kanilang rehabilitasyon at social re-integration. (RAMJR/PIA Mimaropa-Marinduque)

Monday, October 23, 2023

Monday, October 23, 2023

LTO holds road safety seminar to 135 motorists in Boac


BOAC, Marinduque -- A total of 135 motorists had the opportunity to participate in the Road Safety Seminar with free Theoretical Driving Course spearheaded by the local government of Boac in partnership with the Land Transportation Office (LTO) in Barangay Ihatub, recently.

Said initiative aims to enhance road safety awareness about transportation laws and regulation and to strengthen the participants’ understanding of proper driving techniques and road safety concepts.

Present in the activity were Mayor Armi Carrion, Vice Mayor Mark Anthony Seño, Municipal Administrator Carlo Jacinto and some members of the Sangguniang Pambayan who graced the opening of the seminar and gave their regards to the participants.

LTO Boac chief Leonardo Gabuna enlightened the motorists on the average road accidents happening globally and gave emphasis to the importance of the activity not just for securing their certificates as mandate of the agency.

Over the course of two days, those who completed the lecture and passed the examination were given the chance to apply for a student permit.

The advocacy program represents a significant step towards bringing the agencies closer to the citizens and spreading knowledge about road safety and is designed to be part of the solution to the ongoing issue of road accidents. (Ana Maria Korina D. Arcilla, MNN)

Monday, October 23, 2023

Pagsasanay para mapataas ang produksyon at kita ng mga magsasaka sa Marinduque, isinagawa


SANTA CRUZ, Marinduque -- Nasa 50 na mga farmer leader at agricultural extension workers kasama ang mga kinatawan ng iba't ibang kooperatiba at asosasyon sa lalawigan ng Marinduque ang nakiisa sa tatlong araw na pagsasanay hinggil sa 'Agro-Enterprise Development with Clustering Approach' (AEDCA) na inorganisa ng Provincial Agriculture Office katuwang ang Department of Agriculture (DA)-Mimaropa.

Sa unang araw ng pagsasanay ay tinalakay ang paksa tungkol sa Understanding the Market and Identifying the Market Opportunities samantalang sa ikalawang araw ay pinag-usapan ang Organizing Farmer Clusters for Supply Consolidation, Understanding the Product and Competitive Pricing gayundin ang mga plano at mithiin ng Agro-Enterprise concept habang sa ikatlong araw ay nagkaroon ng focus group discussion kung saan ay ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang mga natutunan at karanasan sa pangangasiwa ng mga negosyong may kaugnayan sa sektor ng pagsasaka at pangingisda.

Sa pamamagitan ng konsepto nang 'Farm and Fisheries Clustering and Consolidation o F2C2 ng Agricultural Training Institute (ATI) ng DA, ang nasabing pagsasanay ay naglalayong suportahan at isulong para pagsama-samahin ang mga produktong ani ng mga magsasaka na nasa ilalim ng mga banner program ng ahensya kagaya ng palay, mais, national high value crops, livestock at organic agriculture upang madali itong maibenta sa merkado.

"Ang F2C2 na itinatag noong Agosto 8, 2020 sa bisa ng Administrative Order No. 27 ay binuo ng Kagarawan ng Pagsasaka bilang isang istratehiya para mapalago ang kita ng ating mga magsasaka at mga mangingisda. May mga layunin din itong makamit ang tinatawag na Economic Scale at magkaroon ng mas matibay na pakikipag-ugnayan sa mga prodyuser at sa mga natukoy nating merkado," pahayag ni Rustom Gonzaga, F2C2 report officer ng DA-Mimaropa.

Ibinahagi rin ni Assistant Provincial Agriculturist Susan Uy na napakahalaga ng naturang workshop para sa mga agro-enterprise worker para maisulong ang mga programa ng clustering nang sa gayon ay matulungan at mapaunlad ang mga organisasyon ng mga magsasaka at mangingisda.

Lubos naman ang pasasalamat ni Donna Lecaroz, chairperson ng Sagana Marinduque Agriculture Cooperative at isa sa mga kalahok sa Training of Trainors on AEDCA sapagkat napakarami aniya ng kanilang natutunan sa pagsasanay lalo pa kung magsasama-sama ang mga magsasaka at mangingisda sa komunidad.

"Kung sama-sama ay talagang kayang-kaya pero kung kanya-kanya ay wala po talagang matatamasang kaunlaran ang mga magsasaka kaya labis-labis po ang aking pasasalamat sa Provincial Agriculture Office sapagkat napabilang ako sa pagsasanay na ito kaya pagpupursigihan namin na makabuo ng isang Agro-Enterprise Clustering Approach dito sa Marinduque.

Inaasahan naman ng DA at Panlalawigang Tanggapan ng Pagsasaka na makapaghikayat ang bawat cluster ng aktibong 'Big Brother-Small Brother Partnership' at joint ventures sa mga farmer cooperative and association. -- Marinduquenews.com

Thursday, October 12, 2023

Thursday, October 12, 2023

State of calamity, idineklara sa bayan ng Boac dahil sa rabies


BOAC, Marinduque -- Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Boac dahil sa tumataas na kaso ng rabies.

Ito ay base sa Sangguniang Bayan Resolution No. 2023-230 na nilagdaan ni Vice Mayor Mark Anthony Seño nitong hapon ng Miyerkules, Oktubre 11.

Naging basehan ng deklarasyon ang ulat ng Provincial Veterinary Office na mayroong 14 na barangay ang nasa high-risk dahil nakapagtala ng kaso ng canine rabies na lubhang nakakaalarma dahil sa posiblenag pagkalat nito.

Kabilang sa nasabing mga barangay ay ang Cawit, Laylay, Murallon, Santol, Mercado, Bantad, Isok 1, Isok 2, Tampus, Tabi, Poras, Balogo, Maligaya at Balagasan.

Bukod dito, may isa ng kumpirmadong patay dahil sa rabies dulot ng kagat ng aso.

Samantala, nagtalaga na nang iba't ibang hakbang ang pamahalaang bayan upang makontrol ang pagkalat ng rabies sa pamamagitan ng paglalagay ng mas maraming impormasyon at kampanya ukol sa 'rabies prevention and awareness'.

Sinimulan din ang libreng programa ng pagbabakuna para sa mga asong hindi pa nababakunahan kasabay ng paglalagay ng mga patakaran at regulasyon ukol sa pag-aalaga ng aso at iba pang hayop na posibleng pagmulan ng rabies.

"Mahalaga po ang inyong kooperasyon sa mga hakbanging ito. Ang inyong suporta at pakikiisa ay magliligtas ng buhay at magpapabuti sa kalusugan ng ating bayan. Hinihiling namin na tayo ay maging responsable at maingat sa ating mga alagang hayop upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat", pahayag ni Mayor Armi Carrion.

Sa kasalukuyan ay bumuo na ng Anti-Rabies Task Force ang Boac LGU na tututok para agad masawata ang pagkalat ng sakit.

Patuloy ring pinaalalahanan ang publiko na huwag hayaang gumala ang mga alagang aso at kung makapansin ng rabid behavior o sintomas ng rabies sa mga aso ay agad itong ipaalam sa mga kawani ng barangay o direkang makipag-ugnayan sa Municipal Rabies Prevention and Eradication Task Force.

Kung sakali namang magkaroon ng insidente ng pangangagat ng aso o pusa, agad bigyan ng paunang lunas at magtungo sa Provincial Animal Bites Center upang mabakunahan ng Anti-Rabies Vaccine. -- Marinduquenews.com

Wednesday, October 11, 2023

Wednesday, October 11, 2023

Mga anak ng OFW sa Marinduque, nakiisa sa Organizational Development Training at Youth Camp


BOAC, Marinduque -- Nasa 70 na mga iskolar na pawang anak ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa lalawigan ng Marinduque ang nakiisa sa Organizational Development Training at Youth Camp na inorganisa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kamakailan.

Ayon kay Venus Narvaez, Family Welfare Officer ng OWWA-Marinduque layunin ng gawain na mapalakas ang social interaction skills ng mga kabataan, mabigyan ng pagkakataon na magkakila-kila, madagdagan ang mga kaibigan at mapalapit sa isa't-isa ang anak ng mga OFW sa probinsya.

"Nais ng aming ahensya na maliban sa mapagkalooban ng scholarship ang anak ng mga OFW, hangad din namin na mabigyan sila ng mabuting aral na tiyak madadala sa kanilang pagtanda at maipahahatid sa susunod na henerasyon," pahayag ni Narvaez.

Bukod sa nagkaroon ng tamang impormasyon ang mga lumahok hinggil sa mandato, programa at mga serbisyo ng OWWA naging kalugud-lugod din ang gawain dahil nag-enjoy ang mga kabataan sa mga palaro at team building activities na inihanda ng tanggapan.

"Bilang isang iskolar ng OWWA, malaking bagay para sa akin at sa mga kapwa ko iskolar ang makadalo sa ganitong uri ng aktibidad dahil nabigyan kami ng pagkakataon na mas makilala ang aming mga sarili at makasalamuha ang mga anak ng OFW. Natulungan din kami ng programang ito na mas mapalago ang aming network habang nahahasa at naipapakita ang aming mga kakayahan at talento," wika ni Abdullah Ismael Magdalita, iskolar at anak ng OFW mula sa bayan ng Torrijos.

Base sa pinahuling tala ng OWWA-Provincial Satellite Office, mayroong humigit kumulang 41,000 overseas Filipino at contract workers ang nagmula sa Marinduque. -- Marinduquenews.com

Monday, October 2, 2023

Monday, October 02, 2023

40 gov't interns sa Marinduque, sumailalim sa oryentasyon ng DOLE


BOAC, Marinduque -- Nasa 40 mga kabataan sa lalawigan ng Marinduque na kabilang sa Government Internship Program (GIP) ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang sumailalim sa oryentasyon, kamakailan.

Ayon kay Ken Aldrin Jalac, focal person for employment facilitation ng DOLE-Marinduque, layon ng gawain na maturuan ang mga government intern ng tamang 'work ethics' o wastong disiplina sa pook-gawaan lalo na sa mga tanggapan ng gobyerno kung saan sila ay nakatakdang magtrabaho.

Hangad din ng naturang oryentasyon na maihanda ang mga kabataan sa mga gampanin at responsibilidad ng isang kawani ng pamahalaan sakaling pasukin nila ang serbisyo publiko habang ipinabatid din sa kanila ang mga karapatan ng isang manggagawa alinsunod sa Labor Code of the Philippines.

Sinabi rin ni Jalac na bawat isang benepisyaryo ng GIP ay tatanggap ng stipend o sweldo na halagang P355 kada araw gayundin ng accident insurance na ipagkakaloob naman ng Government Service Insurance System o GSIS.

Base sa tala ng DOLE-Marinduque, umabot sa 300 indibidwal ang nag-apply sa kanilang isinagawang dalawang araw na GIP Hiring noong Setyembre 2023 kung saan ay 241 dito ang natanggap sa trababo.

Inaasahan namang isasagawa ngayong buwan ang GIP orientation para sa natitirang 201 government interns kasabay na rin ang paglagda sa kani-kanilang mga memorandum of agreement (MOA). (Ana Maria Korina D. Arcilla, MNN)